Friday, May 07, 2010

Binaboy na pulitika

MULA SA Pinoy Gumising Ka Movement, isang panawagan:
TAMA NA! SOBRA NA! WAKASAN NA!
END 20 YEARS OF SUFFERING FROM STINKING ODOR, FLIES, DISEASES.
Sa loob ng mahigit 20 taon, ang nakasusulasok na amoy at nakakapandiring mga langaw ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay nating mga mamamayan ng Barangays Sta. Cruz, Sinura at Manibaug-Paralaya sa Porac, sampu ng mga taga-Barangay Cutcut, Angeles City.
Nakakasukang kabulukan na kumakapit hindi lamang sa ating mga damit sa sampayan kundi pati na rin sa ating mga katawan. Ga-higanteng mga langaw, bangaw na ngang maituturing, na dala-dala’y kung anu-anong sakit at karamdaman. Lahat nagmumula sa mga piggery at poultry farms na hindi lamang nakapaligid kundi mismong nasa busal ng ating mga pamayanan.
Sa pagdaan ng mga taon ay hindi tayo nagkulang sa pakiusap, sa pagsusumamo sa ating mga nanunungkulan upang kahit paano’y maibsan man lamang ang dinadanas nating paghihirap at muli nating masamyo ang sariwang hangin sa ating kapaligiran.
Nguni’t pawang katahimikan, kundi man direktahang pagtanggi sa problemang ating dinadanas, ang naging kasagutan sa atin ng ating mga local na opisyal – mula mayor hanggang sa mga kagawad ng sanggunian, pati na rin yaong mga nasa barangay.
Tila baga’y manhid na ang kanilang pang-amoy – o dili kaya’y mga ilong nila’y natakpan ng bungkos ng tig-lilibo’t limangdaan – upang di man lamang mawari ang bigat ng problemang kinasuutan ng ating mga pamayanan.
Ang mga special children sa Holy Trinity School for special children sa Barangay Sinura ay ina-asthma, ginagalis at palagiang nakakaranas ng pagkahilo’t paninikip ng dibdib, pananakit ng tiyan dulot ng bulok na amoy na nanggagaling sa mga babuyan. Pati pagdarasal at pagmumuni-muni ng mga madreng sa kanila’y nag-aaruga ay apektado na rin ng nakakasukang amoy na bumabalot sa kanilang paaralan.
Ang mga madre rin ang minsa’y nag-ulat sa media sa dami ng kaso ng miscarriage o pagkakunan, at mga insidente ng birth defects sa kanilang lugar.
Ang pagtaas ng mga kaso ng asthma, respiratory ailments, gastro-intestinal diseases at skin diseases ay nailuat na rin sa Sta. Cruz, Manibaug, at Cutcut.
Hindi biro-biro ang problemang ating hinaharap. Hindi haka-haka, kundi isang di matatatwang katotohanan na ang bulok na amoy at mga langaw na nanggagaling sa mga piggery at poultry farms ay salot sa kalusugan ng mga mamamayan.
Sa isang pag-aaral sa mga piggeries sa bayan ng Majayjay, Laguna, natuklasan na: “Animal wastes are carriers of diseases (Delgado, et al., 1999). Some of the components of pig waste that have direct adverse effects on human health are pathogens, nitrates, and hydrogen sulfide.
“Pathogens can contaminate water and cause gastrointestinal diseases, among other ailments. These microorganisms are 10 to 100 times more concentrated in hog waste than in human waste, which is diluted with water in sewage treatment plants.”
Sa ibang pag-aaral, ang pathogens, nitrates at hydrogen sulfide ay nakita na ring nakakaapekto sa pagbubuntis at sa tinatawag na blue baby syndrome o ang pagkamatay ng sanggol pagkasilang pa lamang.
Sa harap ng mga ganitong kalagim-lagim na panganib na nakaamba sa mga mamamayan, ni ha! ni ho! ay di man lamang narinig sa ating mga halal na opisyal.
Sa kabilang banda, ang mga baboy at manok, sa simpleng sipon lamang ay kaagad nang pinababakunahan ng ating mga opisyal.
Ito ang patunay na HIGIT ANG PAGMAMAHAL NG ATING MGA OPISYALES SA MGA BABOY AT MANOK KAYSA ATING MGA MAMAMAYAN. Ito ay tuwirang pagtalikod sa kanilang sinumpaang tungkulin. Ito ay direktahang pagtataksil sa bayan.
Panahon na ng paghuhusga! Magkaisa!
Nasa ating mga kamay ang kalunasan ng ating mga karaingan, ang solusyon sa matagal nang nagpapahirap sa ating mga mamamayan.
Sa Mayo 10 --
BULOK NA LOCAL OFFICIALS IBABA SA PUWESTO!
PROTEKTOR NG MGA BABUYAN AT MANUKAN, HUWAG IBOTO!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home